ISSN: 2782-893X
eISSN: 2799-0664
ISSN: 2782- 893X
—— Ang pag-aaral na ito ay naglalayong suriin ang mga hamon sa kritikal na pag-unawa ng mga mag-aaral ng Don Bosco High School, Inc. na Ingles ang unang wika sa asignaturang Filipino, at magbigay ng mga rekomendasyon upang mapabuti ang kanilang kakayahan sa paggamit ng wika. Ginamit ang kwalitatibong disenyo ng pananaliksik kung saan dalawampu’t anim (26) na mag-aaral mula Baitang 7 hanggang Baitang 10 ang naging kalahok, na pinili gamit ang purposive sampling batay sa kanilang limitadong kaalaman sa Filipino. Sa pagsusuri ng datos gamit ang thematic analysis nina Braun at Clarke (2006), natukoy ang limang pangunahing tema: (1) lingguwistikong hamon sa malalim na bokabularyo at tayutay; (2) pagkabalisa sa wika at sikolohikal na hadlang; (3) dominansya ng Ingles at proseso ng paglipat ng wika; (4) limitadong pagkakalantad sa wikang Filipino; at (5) mga estratehiya ng mag-aaral at nais na interbensyon. Ipinakita ng mga resulta na epektibo ang paggamit ng kombinasyon ng wika (translanguaging), biswal na pantulong, malikhaing aktibidad, sistematikong pagtuturo ng bokabularyo at tayutay, at paglikha ng mapanalagang kapaligiran sa silid-aralan. Sa kabuuan, ang pag-aaral ay nagbigay ng mga konkretong rekomendasyon para sa mas inklusibo at epektibong pagtuturo ng Filipino sa mga mag-aaral na Ingles ang unang wika. Inaasahan na ang mga natuklasang ito ay magagamit sa Don Bosco High School, Inc. at iba pang paaralan na may katulad na konteksto upang mapalakas ang pagkatuto, pagpapahalaga sa wikang Filipino, at kritikal na pag-iisip ng mga mag-aaral. Keywords: Hamon, kritikal na pag-unawa, thematic analysis at inklusibo