SUBMIT ARTICLE
ISSN: 2782- 893X
eISSN: 2799-0664

Tipon At Salin Ng Mga Katutubong Akdang Ibaloy: Ambag Sa Pagtuturo Ng Panitikang Panrehiyon

IJAMS Publisher

AUTHOR(S)

DOMINGA S. TOMAS FAUSTINA T. DIO-AS MARIDON S. ERICO



ABSTRACT

—— Mayaman ang Pilipinas sa mga akdang pampanitikan na binubuo ng iba’t ibang anyo ng mga ito gaya na lamang ng mga alamat, kuwentong bayan, epiko, tula, at marami pang iba. Ayon kay Ramos (1984) sa pagbanggit ni Catipay (2019), ang panitikang Filipino ay may pambihirang kabuuan. Ito’y nagsisimula sa mga pasalitang tradisyon-tulad ng mga kuwentong bayan at alamat. Maliban sa pagtitipon at pagsusuri, mahalaga rin ang pagsasalin sa preserbasyon at pagpapayabong ng kultura, tradisyon at lalong-lalo na ng panitikan ng isang bansa. Ang pagsasalin ay isa sa mga isinulong na pamamaraan at hakbang ng Komisyon sa Wikang Filipino upang mapayabong ang kasalukuyang leksiyon ng wikang Filipino. Nagsisilbi rin itong isang malaking pundasyon para sa intelektuwalisasyon ng pambansang wika. Ayon kay Almario (2015), dapat mapansin ang mahigit na ugnayan ng pagsasalin at pagpapaunlad ng Wikang Pambansa upang makamit ang antas ng kultibasyon (modernisasyon o intelektuwalisasyon) na inaasam-asam at upang makamit ang titulo ng wika ng karunungan. Ang pag-aaral na ito ay may layuning matukoy ang mga akdang akmang maisalin sa Filipino na magagamit sa pagtuturo ng Panitikang Panrehiyon; matukoy ang antas ng ebalwasyon ng mga eksperto sa mga naisaling akda; at matukoy ang antas ng pagtanggap ng mga guro sa mga saling akda. Ginamit ang pamaraang kuwalitatibo at kuwantitatibo. Ginamit ang pagsusuring nilalaman para masuri at maisalin ang mga napiling katutubong akda sa wikang Filipino. Ginamit din ang kuwantitatibong pamaraan para mailarawan ang antas ng balidasyon at pagtanggap ng mga eksperto sa naisagawang pagsasalin. Ang mga pamantayan sa pagpili ng akda ay dapat nasusulat sa wikang Ibaloy, naglalaman ng kultura ng mga taong pinagmulan nito at wala pang nailathalang salin sa Filipino. Ginamit din ang apat na pustusang eskala sa pagtukoy sa antas ng balidasyon at antas ng pagtanggap sa mga naisagawang pagsasalin. Ang mga valideytor ay mga mga guro sa Filipino na marunong sa wikang Ibaloy na nagtuturo ng asignaturang Panitikang Panrehiyon. Sa isinagawang pagsusuri, may tatlong akdang napili: Si Dabonay tan sota pito’n Bosol, Nangkaatiw Jen Ibadoy, at Sota Ebadbadeg Tan Etoling Jen Aso Shi Ambakdet. Sa isinagawang ebalwasyon, lumabas na ang mga salin sa Filipino ay may nakataas na antas ng balidasyon sa nilalaman, paggamit ng salita, kahulugan at estilo. Sa antas ng pagtanggap, lumabas din na lubos na tinatanggap ang mga naisawang pagsasalin. Batay sa kinalabasan ng pag-aaral, marami pang mga katutubong akda na maaaring maisalin sa Filipino at magamit na lunsaran sa pagtuturo. Ang isinagawang pagsasalin ay nakasunod sa pamantayan sa pagsasalin at taglay ng mga ito ang mga katangian ng isang mabuting salin kaya ito ay lubos na tinatanggap ng mga guro. Iminumungkahi kung ganoon na magsagawa pa ng pagsasalin sa mga iba-ibang katutubong akda sa Filipino para mapalaganap ang natatnging kultura ng bawat isa at gamitin ang mga naisaling akda sa pagtuturo ng Panitikang Panrehiyon.