ISSN: 2782-893X
eISSN: 2799-0664
ISSN: 2782- 893X
—— Ang mababang antas ng kasanayan sa pagbasa ng mga mag-aaral sa Unang Baitang ay nananatiling hamon sa larangan ng edukasyon, lalo na sa kabila ng patuloy na pagpapatupad ng mga tradisyunal na interbensyon. Ang sitwasyong ito ang nag-udyok sa pagsasagawa ng pag-aaral upang makahanap ng mas epektibong interbensyon na makatutulong sa pagpapaunlad ng pagbasa. Layunin ng pag-aaral na ito na matukoy ang kabisaan ng BaGa (Basa Gantimpala) bilang interbensyon sa pagpapataas ng kasanayan sa pagbasa ng mga piling mag-aaral sa Unang Baitang, partikular sa paghahambing ng resulta ng kontrolado at eksperimental na pangkat. Gumamit ang mananaliksik ng mixed-method methodological triangulation na may kontrolado at eksperimental na pangkat. Isinagawa ang pag-aaral sa pamamagitan ng purposive sampling kung saan pinili ang 42 mag-aaral na may mababang marka (72–73) sa unang markahan at nakakuha ng mababang antas sa pagbasa. Isinailalim ang mga kalahok sa pre-test at post-test upang masukat ang pagbabago sa kanilang kasanayan sa pagbasa. Ang eksperimental na pangkat ay ginamitan ng interbensyong BaGa habang ang kontroladong pangkat ay sumailalim sa tradisyunal na pamamaraan. Ginamitan ng mean at t-test ang estadistikal na pagsusuri upang matukoy ang makabuluhang pagkakaiba ng resulta. Ipinakita ng resulta na walang makabuluhang pagkakaiba sa panimulang antas ng dalawang pangkat, subalit sa post-test ay mas mataas ang naging marka ng eksperimental na pangkat kaysa sa kontrolado, na nagpapakita ng makabuluhang epekto ng interbensyong BaGa. Inirerekomenda ang patuloy at mas malawak na implementasyon ng BaGa sa iba pang baitang at konteksto upang higit pang mapatunayan ang bisa nito at mapalawak ang aplikasyon sa larangan ng edukasyon. Bilang output, ang pag-aaral ay nakabuo ng isang sistematikong programang interbensyon (BaGa) na maaaring magsilbing gabay ng mga guro sa pagpapabuti ng kasanayan sa pagbasa. Nag-aambag ito sa umiiral na kaalaman sa pamamagitan ng pagbibigay-diin sa kahalagahan ng motibasyon at positibong pagpapalakas bilang estratehiya sa pagkatuto. Mga Susing Salita: BaGa, pagbasa, interbensyon