ISSN: 2782-893X
eISSN: 2799-0664
ISSN: 2782- 893X
——Ang pananaliksik na ito ay isang komparatibong pagsusuri sa Katutubong Oyango (Agta) sa Camarines Sur at Katutubong Manide sa Camarines Norte, partikular sa aspekto ng katatagan, pagkakakilanlan, at mga hamon ng makabagong panahon. Sinagot ng pag-aaral ang mahahalagang tanong ukol sa kanilang wika at panitikan, tradisyon, pamumuhay, kabuhayan, edukasyon, at panlipunang gawain. Gumamit ang pananaliksik ng mga teoryang postkolonyal, kultural, katatagan, at panlipunan bilang balangkas ng pagsusuri. Sa pamamagitan ng kuwalitatibong etnograpikong disenyo, tinipon ang mga karanasan, saloobin, at pananaw ng mga kasapi ng komunidad, partikular ng mga nakatatanda sa Sta. Teresita (Oyango/Agta) at Osmeña (Manide). Piniling kalahok ang sampung tagapagsalita ng Oyango (Agta) dahil sa kanilang malalim na kaalaman at karanasan. Sa datos na nakalap, natukoy na parehong matatag ang dalawang grupo sa pagpapanatili ng kanilang wika, panitikan, at tradisyon at aktibo sa pagpasa ng kaalaman sa kabataan. Ang Manide ay masigasig na ginagamit ang wika sa edukasyon, samantalang ang Oyango (Agta) ay mas aktibo sa adbokasiya at pagpapalaganap ng kanilang karapatan. Pareho silang may matibay na paniniwala sa ritwal, paniniwala sa kalikasan, at sariling sistema ng pamamahala. Gayunpaman, magkaiba sila sa paraan ng pagharap sa hamon: ang isa’y mas lantad sa adbokasiya, ang isa nama’y higit na tahimik ngunit matatag sa tradisyon. Napag-alaman din na pareho silang nahaharap sa panganib ng pagkawala ng wika at kultura, diskriminasyon, at limitadong akses sa serbisyo, na mas lalong lumalala depende sa lokasyon at antas ng suporta. Sa kabila ng mga ito, nakapagbuo ng solusyon ang pag-aaral sa pamamagitan ng “IRINGÓ”, isang kagamitang pampagtuturo na nakaugat sa sariling wika at kultura. Keywords: Komparatibo, Pagsusuri, Katatagan, Pagkakakilanlan, at Hamon