ISSN: 2782-893X
eISSN: 2799-0664
ISSN: 2782- 893X
— Ang pag-aaral na ito ay naglalayong suriin ang mga napapanahong estratehiya sa pagtuturo ng Filipino na ginagamit ng mga guro sa Junior High School sa Distrito ng Cagwait. Gumamit ito ng disenyong Convergent Parallel Mixed Methods kung saan sabay na isinagawa ang pangangalap ng datos sa paraang kwantitatibo at kwalitatibo. Matapos ang pangangalap, isinagawa ang hiwalay na pagsusuri sa dalawang uri ng datos at pagkatapos ay pinaghambing upang matukoy kung magkatugma ang mga resulta. Kabilang sa mga nakalap na datos ang profayl ng mga guro base sa edad, posisyon, kwalipikasyon pang-edukasyunal at haba ng karanasan sa pagtuturo. Inalam din ang mga estratehiyang madalas nilang gamitin sa pagtuturo ng Filipino. Batay sa resulta, pinakamadalas gamitin ng mga guro ang kolaboratibong pagkatuto at pinatnubayang pagkatuto. Lumabas din sa multiple regression analysis na walang makabuluhang ugnayan sa pagitan ng personal na profayl ng mga guro at ng estratehiyang kanilang ginagamit. Ipinahihiwatig nito na ang pagpili ng estratehiya ay hindi nakabatay sa personal na katangian ng guro. Samantala, mula sa kwalitatibong datos, natukoy ang ilang suliranin sa paggamit ng mga napapanahong estratehiya. Ilan sa mga ito ay ang kakulangan sa teknolohiya at kagamitan, mahinang internet at kuryente, hindi pantay na akses ng mga mag-aaral sa kagamitan, kakulangan sa konsentrasyon at pag-unawa ng mga mag-aaral at kakulangan sa pagsasanay para sa mga guro. Bagaman may positibong pagtanggap sa mga makabagong estratehiya, kailangang tugunan ang mga balakid na ito upang mapabuti ang paggamit at implementasyon ng mga ito. Sa kabuuan, ipinakikita ng pag-aaral ang kasalukuyang kalagayan ng pagtuturo ng Filipino sa nasabing distrito at inirerekomenda ang mas malawak na suporta para sa teknolohiya at pagsasanay ng mga guro sa paggamit ng mga napapanahong estratehiya sa pagtuturo. Keywords — Napapanahong estratehiya, pagtuturo, pagkatuto, Kagamitang pampagtuturo