ISSN: 2782-893X
eISSN: 2799-0664
— Ang pag-aaral na ito ay naglalayon na bumuo ng kontekstwalisadong video lessons sa Kahimunan ng tribong Manobo bilang kagamitang pampagtuturo para sa Filipino 7, na naglalayong tulay ang tradisyonal na kaalaman at modernong pamamaraan ng pag-aaral. Ginabayan ito ng Constructivist Learning Theory, Cognitive Load Theory, at Technology Acceptance Model upang matiyak ang interaktibo, madaling maunawaan, at tinatanggap na materyal sa pagkatuto. Gumamit ng halo-halong pamamaraan ng pananaliksik (debelopmental at deskriptibo), kung saan ang mga kalahok ay piling guro ng Filipino 7 at mga Datu ng Manobo mula sa mga piling paaralan sa San Miguel, Surigao del Sur, na pinili sa pamamagitan ng purposive sampling. Ang pangangalap ng datos ay gumamit ng binagong talatanungan at estrukturang panayam, habang ang pagsusuri ng datos ay isinagawa gamit ang deskriptibo at inferential statistics, pati na rin ang qualitative analysis. Natuklasan sa pag-aaral na ang video lesson ay matagumpay na naisama ang apat na mahahalagang ritwal ng Kahimunan ng Manobo—ang Sinugbahan, Uyagdok, Binuka, at Pangapog—na aktibo pa ring isinasagawa sa komunidad ng Umalag. Ang mga ritwal na ito ay nagpapahiwatig ng malalim na ugnayan ng mga Manobo sa espirituwal na mundo at kalikasan, na sentro sa kanilang paniniwala at pang-araw-araw na buhay. Sa pagsusuri ng antas ng pagtanggap ng mga respondente, nakakuha ang video lesson ng overall mean na 5.00, na may adjectival rating na ‘Napakahusay’ sa lahat ng aspeto—Layunin, Teknikal na Kalidad, Kalidad ng Pagtuturo, Organisasyon, Kontekstwalisadong Nilalaman, at Pagkakahanay. Ipinahihiwatig ng mga natuklasan na ang nabuong kontekstwalisadong video lesson ay lubhang epektibo at mahusay na tinanggap bilang kagamitang pampagtuturo. Ang pag-aaral ay nagpapatunay sa kahalagahan ng kontekstwalisasyon sa pagpapalalim ng pag-unawa at pagpapahalaga sa kultura, pagpapalakas ng pagkakakilanlan ng Manobo, at pagtataguyod ng mas makabuluhan at nakakaengganyong karanasan sa pagkatuto. Inirerekomenda na gamitin at ipalaganap ang video lesson na ito bilang isang modelo para sa pagbuo ng mga katulad na culturally sensitive teaching materials para sa iba pang mga katutubong komunidad, na may patuloy na paggalang sa kultura at aktibong pakikilahok ng komunidad. Keywords — Kontekstwalisadong video lessons, Kultura ng Manobo, Kahimunan, Kagamitang pampagtuturo