SUBMIT ARTICLE
ISSN: 2782- 893X
eISSN: 2799-0664

Komparatibong Rebyu ng mga Piling Dulog at Pamamaraan sa Pagtuturo ng Wika: Kahulugan, Aplikasyon sa Silid-Aralan, at Implikasyon sa Pagtuturo at Pagkatuto

IJAMS Publisher

AUTHOR(S)

JOSHUA R. SARMIENTO BINGO B. DELA CRUZ



ABSTRAK

—— Sa mga programang pampagtuturo na nakatuon sa pagpapakadalubhasa sa wika sa ilalim ng Kolehiyo ng Edukasyon, mahalagang malinang sa mga gurong mag-aaral ang kamalayang metodolohikal at kasanayan sa pedagohikal na pagpapasya upang makapili ng angkop na mga dulog at pamamaraan sa pagtuturo ng wika. Gayunpaman, ang mga dulog at pamamaraang ito ay kadalasang inilalahad nang magkakahiwalay o sa loob ng malalawak na diskursong teoretikal, na nagdudulot ng hamon sa mga gurong mag-aaral sa paghahambing ng kahulugan, aplikasyon sa silid-aralan, at implikasyon ng mga ito sa pagtuturo at pagkatuto. Bilang hakbang sa pagharap sa hamong ito, binuo ang pag-aaral na nakatuon sa komparatibong rebyu ng mga piling dulog at pamamaraan sa pagtuturo ng wika. Gamit ang disenyong integratibong rebyu ng literatura, sinuri ang mga kaugnay na aklat, artikulo sa mga dyornal, batis sa edukasyong pangguro, at iba’t ibang materyales sa pagtuturo ng wika sa pamamagitan ng kalitatibong pagsusuri sa nilalaman at komparatibong sintesis. Inihanay ang mga piling dulog at pamamaraan batay sa kahulugan, aplikasyon sa silid-aralan, at implikasyon ng mga ito sa pagtuturo at pagkatuto. Ipinakita ng mga natuklasan na binibigyang-diin ng mga tradisyonal na pamamaraan at ng mga pamamaraang nakatuon sa anyo at estruktura ng wika ang kawastuhan, pagpapaunlad ng talasalitaan, pag-unawa sa binasa, at ginagabayang pagsasanay. Samantala, higit na binibigyang-diin ng mga dulog na komunikatibo, nakabatay sa gawain, nakabatay sa nilalaman, kooperatibo, naturalistiko, at leksikal ang interaksiyon, pagiging matatas, pag-unawa, kolaborasyon, at awtentikong paggamit ng wika. Inihayag din ng rebyu na walang iisang dulog o pamamaraan ang ganap na nakatutugon sa lahat ng pangangailangan sa pagkatuto ng wika. Samakatuwid, maaaring magsilbing kasangkapan sa pedagohikal na pagpapasya ang komparatibong balangkas upang matulungan ang mga gurong mag-aaral na maghambing, pumili, magsama-sama, at mag-angkop ng mga dulog at pamamaraan batay sa pangangailangan ng mga mag-aaral, layunin ng aralin, at umiiral na kalagayan ng pagtuturo. Mga mahalagang salita: dulog sa pagtuturo ng wika, pamamaraan sa pagtuturo ng wika, programang pangguro sa wika, komparatibong rebyu, pedagohikal na pagpapasya, gurongmag-aaral sa wika