ISSN: 2782-893X
eISSN: 2799-0664
ISSN: 2782- 893X
—— Ang pananaliksik na ito ay tumatalakay sa paggamit ng Flipped Classroom bilang isang makabagong estratehiya sa pagtuturo na naglalayong mapataas ang kasanayan ng mga estudyante sa pagsasalita ng wikang Filipino. Nilalayon ng pag-aaral na makabuo ng manwalgabay para sa mga guro na magsisilbing batayan sa epektibong paggamit ng nasabing estratehiya sa pagtuturo. Gumamit ang mananaliksik ng kwantitatibo at kwalitatibong metodo upang masuri ang antas ng kasanayan sa pagsasalita ng mga estudyante sa wikang Filipino at ugnayan nito sa mga salik na nakaaapeto sa kanilang pagsasalita. Ang mga kalahok sa pag-aaral ay mga piling estudyante sa senior high school at mga guro sa Filipino, at ginamit ang mga talatanungan at panayam bilang pangunahing instrumento sa pangangalap ng datos. Batay sa resulta ng pag-aaral, napatunayan na ang Flipped Classroom ay nakatutulong sa pagpapaaktibo ng partisipasyon ng mga estudyante sa klase, nagpapalawak ng kanilang kaalaman, nagpapataas ng kumpiyansa sa paggamit ng wikang Filipino, at nakatutulong upang mas malinang pa ang kakayahan ng mga estudyante na may iba’t ibang istilo ng pagkatuto. Natuklasan din na mas nagiging makabuluhan ang pagkatuto kapag ang estudyante ay handa bago ang klase at nagkakaroon ng sapat na pagkakataon upang gamitin ang wika sa iba’t ibang sitwasyon sa loob ng silid-aralan. Bilang tugon sa mga natuklasang resulta, binuo ng mananaliksik ang isang manwal-gabay na naglalaman ng mga mungkahing pamamaraan, aralin, at gawain na maaaring gamitin ng mga guro sa pagpapatupad ng Flipped Classroom sa pagpapataas ng kasanayan sa pagsasalita ng wikang Filipino. Layunin nitong maging gabay sa pagpapahusay ng kasanayan ng mga estudyante sa komunikasyon, pakikipagtalastasan, at paggamit ng wika sa mas mataas na antas ng pagkatuto. Sa kabuoan, ipinapakita ng pananaliksik na ang Flipped Classroom ay isang mabisang estratehiya sa pagtuturo ng wikang Filipino at may malaking ambag sa pagpapataas ng kasanayan sa pagsasalita ng mga estudyante. Mga Susing-Salita — Flipped Classroom, Asignaturang Filipino, Pagsasalita, Estratehiya, Pagtuturo, Guro, Wikang Filipino