ISSN: 2782-893X
eISSN: 2799-0664
ISSN: 2782- 893X
—— Ang hindi maiiwasang pag-usbong ng modernisasyon at mabilis na paglaganap ng globalisasyon na ito ay may mga positibo at negatibong epekto, at isa na sa mga negatibong epekto nito ay ang pagbabago sa katutubong kultura ng mga Ifugao. Dahil dito, unti-unti nang nawawala ang yamang kultural at marami sa mga kabataang Ifugao ang banyaga na sa kultura at tradisyon ng mga ninuno. Kaya, napili ng mananaliksik na pag-aralan ang kamalayan (awareness) ng mga milenyal na mag-aaral sa mga piling sinaunang kultura ng mga Ifugao para masariwa, manumbalik at maagaw ang atensyon ng mga kabataan bago pa mahuli ang lahat. Ang “Descriptive Survey Research Design”, ang ginamit sa pag-aaral na ito at gumamit ng talatanungan (survey questionnaire) para makalikom ng mga datos. Ipinamudmod ang mga talatanungan sa tatlong-daan apatnaput-apat (344) na mga tagatugon na mga mag-aaral ng Ifugao State University. Bilang resulta ng pag-aaral, may kamalayan (aware) ang mga milenyal na mag-aaral sa iba’t ibang piling sinaunang kultura ng mga Ifugao na karamihan sa mga ito ay nasa labinsiyam (19) na taong gulang. Medyo matindi rin ang kamalayan (much aware) sa mga piling sinaunang kultura tulad ng; Moma, Imbango, Momon, Goguie at Ik-ikalon; Honga o Yabyab; Bohwat; at Bogwa. Subalit, batay sa resulta ng interbyu kung alam nila itong aktwal na isagawa, ang naging sagot nila ay di-masyado. Walang makabuluhang pagkakaiba (no significant difference) ang kamalayan (awareness) ng mga mag-aaral ayon sa kanilang profayl. Subalit, masasalamin sa resulta ng istadistika na ang kinabibilangang pangkat-etniko (ethnic affilliation) ay may malaking impluwensiya sa kamalayan ng mga mag-aaral sa iba’t ibang piling sinaunang kultura ng mga Ifugao. Kaya bilang rekomendasyon, iminumungkahi na paigtingin pa at magkaroon ng iba pang pag-aaral hinggil sa indibidwal na piling sinaunang kultura ng mga Ifugao para masinsinang mapag-aralan ang mga detalye at malalimang mabusisi ang dahilan kung bakit hindi bihasa ang mga milenyal sa kanilang kultura. Ang pagsasagawa ng impact analysis study hinggil naman sa isasagawang serye ng cultural recovery training workshops ay makatutulong nang malaki para maisakatuparan ang unang hakbang para sa pag-agaw ng atensyon ng mga mag-aaral para yakaping muli ang kanilang kultura na yaman ng lahi. Mga Susing Salita: Kamalayan; Piling Sinaunang Kultura; Milenyal