ISSN: 2782-893X
eISSN: 2799-0664
ISSN: 2782- 893X
—— Nilayon ng pag-aaral na ito na suriin ang kakayahan sa panggramatikang Filipino ng mga mag-aaral at mapaunlad ang kanilang kasanayan sa wasto at angkop na paggamit ng mga salita bilang kasangkapan sa pagpapalawak ng kaalaman sa gramatika. Batay sa mga obserbasyon ng mga guro, napag-alaman na marami pa ring mag-aaral ang nahihirapan sa tamang paggamit ng wika, partikular sa aspeto ng panggramatika. Dahil dito, isinagawa ang pananaliksik upang matukoy ang antas ng kakayahan ng mga mag-aaral at makapagdisenyo ng interbensiyong materyal na makatutulong sa kanilang pag-unlad. Ginamit sa pag-aaral ang deskriptibong-kwantitatibong disenyo upang makalap ang mga kinakailangang datos at impormasyon sa pamamagitan ng talatanungang pagsusulit. Ang mga respondente ay mga piling mag-aaral mula sa mga paaralan sa ilalim ng DepEd–Alfonso Lista, Ifugao, kabilang ang Potia National High School, Sta. Maria National High School, Namillangan National High School, at Eastern National High School. Sinuri ang mga nakalap na datos sa pamamagitan ng istatistikal na pagsusuri upang matukoy ang antas ng kakayahan ng mga mag-aaral sa bawat aspekto ng gramatika. Ipinakita ng resulta ng pag-aaral na ang antas ng kakayahan ng mga mag-aaral sa panggramatikang Filipino ay ang mga sumusunod: pagbuo ng pangungusap (76.66% – developing), ayos ng pangungusap (64.95% – beginning), wastong gamit ng salita (64.50% – beginning), pagpili ng wastong salita (58.34% – beginning), at kayarian ng pangungusap (33.22% – beginning). Natukoy din na ang mga karaniwang suliranin ng mga mag-aaral ay may kaugnayan sa pagbuo ng artikulo o sanaysay, kung saan nakakuha sila ng 10 puntos (pasado) sa nilalaman, 8 puntos (pasado) sa organisasyon, at 6 puntos (pasado) sa mekaniks. Bilang tugon sa mga natukoy na pangangailangan, ipinakilala ang modyul sa panggramatika bilang interbensiyong materyal na naglalaman ng mga aralin at gawaing nakatuon sa wastong paggamit ng salita, ayos, at kayarian ng pangungusap upang mapaunlad ang kasanayan sa pagsasalita at pagsusulat. Inirekomenda ng pag-aaral ang pagpapatuloy ng ganitong uri ng pananaliksik sa pamamagitan ng pre-test at post-test analysis upang masukat ang antas ng pag-unlad ng mga mag-aaral at maipakita ang kongkretong epekto ng interbensiyon sa kanilang kakayahang panggramatika.