SUBMIT ARTICLE
ISSN: 2782- 893X
eISSN: 2799-0664

Mga Estratehiya sa Pagtuturo-Pagkatuto sa Asignaturang Filipino: Tungo sa Pagbuo ng Sanayang-Aklat

IJAMS Publisher

AUTHOR(S)

NERISSA N. BEHHAY



ABSTRAK

—— Layunin ng pag-aaral na ito na suriin at tukuyin ang mabisang pamamaraan ng mga guro sa pagtuturo ng asignaturang Filipino at ang impluwensya nito sa pagkatuto ng mga mag-aaral. Nakapokus din ang pag-aaral sa pagsusuri ng mga estratehiya upang matukoy kung gaano kadalas itong ginagamit ng mga guro, at alamin ang mga suliraning kinakaharap kaugnay ng paggamit nito. Makikita sa resulta ang matagumpay na kinalabasan ng pananaliksik bunga ng pagiging mapanuri at maparaan sa kanilang pagbabahagi ng kaalaman. Ito ay nakatulong sa mga mag-aaral upang higit na pahalagahan at linangin ang kanilang nabuong kaalaman. Ang mga respondente ay binubuo ng mga guro sa Filipino at mga mag-aaral ng Batsilyer ng Edukasyong Pangsekundarya na nagpapakadalubhasa sa Filipino sa Kolehiyo ng Edukasyon sa Ifugao State University-Potia Campus. Ang pag-aaral ay gumamit ng deskriptibo-developmental na disenyo, at nilapatan ng angkop na istatistikang pagsusuri ang mga nakalap na datos. Sa unang layunin, ginamit ang frequency at rank, samantalang weighted mean naman ang isinagawa para sa ikalawa at ikatlong layunin upang mailahad ang inaasahang resulta ng pananaliksik. Batay sa mga natuklasan, ang pinakapiniling estratehiya ng mga guro ay ang Bagyuhang-utak (Brainstorming) at Integrasyon ng ICT. Napag-alaman din na madalas gamitin ng mga guro ang nasabing mga estratehiya. Gayunpaman, hindi gaanong sumasang-ayon ang mga mag-aaral hinggil sa mga suliraning kaakibat ng paggamit ng mga ito. Napakalaking tulong din ang pagiging mapamaraan at malikhain ng mga guro sa paggamit ng angkop na estratehiya sa pagtuturo, sapagkat nakasalalay sa kanila ang matagumpay na pagpaplano ng isang makabuluhang karanasan ng pagkatuto. Bilang karagdagan, napakalaking ambag ang paglinang ng isang sanayang-aklat kalakip ang angkop na estratehiya at mga malikhaing gawain o pagsasanay sa bawat aralin upang masukat ang kakayahan at kasanayan ng mga mag-aaral. Mga Susing Salita — asignaturang Filipino, estratehiya, pagkatuto, pagtuturo, sanayang-aklat