ISSN: 2782-893X
eISSN: 2799-0664
— Pangunahing layunin ng pag-aaral na mailarawan ang mga konseptwal na metapora ng wikang Cebuano sa Jimenez, Misamis Occidental. Ginamit ang deskriptibong pamamaraan sa pag-aanalisa ng wika partikular na sa konseptwal na metapora sa wikang Cebuano ng Jimeneznon. Ang mga datos na nakalap ay inaayos ayon sa pangalan ng tao, mga hayop, mga pahayag, tambalang-salita, gulay at prutas na kakikitaan ng konseptwal na metapora at pagkatapos ay sinuri sa pamamagitan ng pagbibigay ng literal na kahulugan at kung paano ito ginamit ng mga Jimeneznon bilang metapora. Ipinanganak at parehong naninirahan sa Sta. Cruz, Jimenez Misamis Occidental ang mga informant na sinangguni sa pag-aaral na ito sa pamamagitan ng paggamit ng eliciting materyal. Sa pangalan ng tao ang mga salitang kakikitaan ng konseptwal na metapora ay ‘Salbador del Mundo’, ‘Hudas’, ‘Marisol’, ‘Marites’, at ‘Pilato’. Sa hayop ay ang ‘baki’, ‘buaya’, ‘bao’, ‘iring ug iro’, at ‘kanding’. Sa mga pahayag naman ay ang ‘gaan ug gamot’, ‘kwarta sa hangin’, balhibuon ug kamot’, ‘humok ug ilong’, at ‘mat-an pas pinya’. Ang nakalap naman na mga tambalang-salita ay ang ‘kuyog-baboy’, ‘utok-bolinaw’, ‘dawat-limpyo’, ‘doblekara’, at ‘kakhatuka’. Samantalang ang sa prutas at gulay ay ang ‘kanaka’, ‘talong’, ‘kapayas’, ‘’kalabasa’, at ‘kamote’. Napatunayan na ang paggamit ng mga metapora sa isang wika ay mahalaga sa paglalarawan ng isang bagay o tao. Ito rin ay nay hatid na isang konsepto na kaiba sa literal nitong kahulugan. Sa mga Jimeneznon, sa pamamagitan ng paggamit ng pangalan ng tao, mga hayop, mga pahayag, tambalang salita at gulat at prutas ay nakababuo ang tao ng mga konsepto batay sa pagpapakahulugan niya sa kanyang nakikita o naoobserbahan at mga nararanasan. Malaking salik rin ang impluwensiya ng kapaligiran na kinabibilangan ng isang tao sa paggamit at pagpapakahulugan ng mga nasabing metapora. Malaking tulong ang pag-analisa ng mga kontekstwal na metapora ng mga Cebuano sapagkat mas nabibigyang-linaw ang paggamit at pagpapakahulugan nito. Maiiwasan ang pagbibigay ng maling pagpapakahulugan sa mga nasabing metapora dahil mayroon nang magiging basehan. Susing-salita —Semantik, Konseptwal, Metapora